Viral ngayon sa social media si Kisses Delavin, dating "PBB Lucky 7" housemate at Kapamilya actress.
Pinag-uusapan siya matapos lumabas online ang ilang larawan na nagpapakita ng kanyang pagsali sa isang ballet performance sa Amerika.
Ayon sa mga post na nakita namin sa Facebook, kabilang siya sa mga nagtanghal sa Martha Graham School of Contemporary Dance sa New York, USA, kung saan siya kasalukuyang nag-aaral.
Ang Graham School ay itinuturing na “oldest professional school of dance in the United States and the only one primarily focused on the Martha Graham Technique and repertory.”
Oktubre 2021 pa ang huling pagkakataon na nag-post si Kisses sa social media, matapos ang kanyang paglahok sa Miss Universe Philippines. Mula nang hindi siya pinalad sa nasabing pageant, tila nag-lie low na siya at hindi na nagbigay ng update sa kanyang mga tagasuporta.
Kaya naman labis ang tuwa at excitement ng kanyang mga fans nang makita ang mga larawan ni Kisses habang nagpe-perform sa Martha Graham School of Contemporary Dance.
Unang nakilala si Kisses bilang 2nd Big Placer sa “Pinoy Big Brother: Lucky 7,” kung saan si Maymay Entrata ang itinanghal na Big Winner. Nagkaroon din siya ng ilang proyekto sa ABS-CBN, kabilang ang mga serye at pelikula.
Naging ka-loveteam din noon ni Kisses si Donny Pangilinan. In fairness, naging patok at pinag-usapan din ang tambalan nilang “DonKiss” bago niya tuluyang lisanin ang Star Magic noong 2019 at lumipat sa GMA 7.
Hanggang ngayon, umaasa pa rin ang kanyang mga fans na balang araw ay magbabalik si Kisses sa showbiz. Naniniwala sila na karapat-dapat siyang bigyan muli ng pagkakataon bilang aktres at host, dahil sa kanyang talento at karisma.
0 Comments