Hindi nagdalawang-isip si comedian Pokwang na magsampa ng kaso laban sa ilang tagasuporta ni Pinoy Big Brother Gen 11 Big Winner Fyang Smith matapos silang makatanggap ng pagbabanta, kasama ang kanyang anak na si Malia.
Sa isang post sa social media, ibinahagi ni Pokwang na naka-screenshot na niya ang mga mensaheng natanggap mula sa mga tagahanga ni Fyang.
“’Yung may mga fans na nagmamahal ng sobra to the point pati si Malia na anak ko, wish nila ng di maganda! Na-screenshot ko na para kasuhan,” wika ni Pokwang.
Matatandaang pinayuhan ni Pokwang si Fyang na maging mapagpakumbaba matapos nitong sabihin na sila ang “pinakamagaling na batch” sa kasaysayan ng 18 seasons ng reality show.
“Alam mo, kahit ilang batch pa ’yan, walang makakatalo sa batch namin. Hello? Gen 11? Breaking… Highest… Hello?” wika ni Fyang.
“Hindi, joke lang! Kaya walang makakatalo sa batch namin kasi lahat kami very genuine, very authentic. Akala nga namin walang nanonood, kaya lahat kami gano’n mga ugali namin,” dagdag pa nya.
Bilang tugon, sinabi ni Pokwang na dapat nang itigil ni Fyang ang kanyang kayabangan.
“My God, iha, 21 years na ako sa showbiz at ang sekreto—BE HUMBLE iha. ’Yan muna ang pag-aralan. Naka-ilang PBB season na ang nasaksihan ko pero iilan na lang silang active sa showbiz. So iha please, ’wag muna magyabang. Bad ’yan.” saad ni Pokwang.
“Yes, kagaya ng makatrabaho ko sila Nadine, Liza Soberano, Sandara Park, Kim Chu, Melai—di ko malilimutan ’yon. Kasama sila Marian Rivera, Vilma Santos, Eddie Garcia, Tatay Dolphy, Gloria Romero… wait, John Lloyd, Aga, Claudine B., Bossing Vic pa at Juday. Sarap malaos kapag ganyan mga naka-work mo,” dagdag pa nya.
0 Comments