Humingi ng tulong ang content creator na si Meiko Montefalco sa programang “Raffy Tulfo in Action” kaugnay ng kanyang suliranin sa ipinagawang bahay.
Noong Lunes, Hulyo 7, personal siyang nagtungo sa programa upang ilapit ang kanyang problema dahil ang bahay na kanyang pinagawa ay nakatayo sa lupang pag-aari ng kanyang mga biyenan.
“Dapat po ipapa-renovate lang po namin pero nag-decide kaming mag-asawa na magpatayo na lang ng bahay. Nag-ask po kami ng permission sa aking in-laws kung pwede kasi sayang naman po kung ipapa-renovate lang, konting tweak tapos sisirain lang uli kasi mayroon kaming common knowledge na binibigay na sa amin ang lupa,” wika ni Meiko.
Sabi niya, walang nakasulat na legal na kasunduan; verbal agreement lamang ang naganap sa pagitan nila.
Kwento ni Meiko, wala na siyang intensyon na kunin ang bahay dahil sa tingin niya, hindi na niya ito matitirhan.
“Under Article 448 ng ating civil code, ‘yung land owner kasi ang magde-decide kung ano ang gusto niyang gawin. She can make you buy the lot, pwede niyang bilhin ‘yung bahay sa ‘yo or pwede ka niyang pagbayarin ng renta. ‘Yun ang rights ng land owner when somebody built on it in good faith,” wika ni Atty. Garreth Tungol.
Ayon kay Meiko, nagkaroon na sila ng usapan ng kanyang sister-in-law at mother-in-law, ngunit hindi kayang bitawan ng kanyang mother-in-law ang lupa dahil pinaghirapan nila ito.
Ang nais lamang ni Meiko ay mabawi ang kanyang ginastos na umabot sa apat na milyon para makapagsimula na rin para sa kinabukasan ng kanyang mga anak.
Ngunit mukhang dehado si Meiko dahil wala siyang legal na dokumento na magpapatunay ng kanyang karapatan sa lupa, kahit na malaki ang kanyang nagastos sa pagpapatayo ng bahay.
Tinanong din niya kung sakaling hindi sila magkasundo sa mga opsyon na ibinigay sa kanya, maaari nga ba niyang ipagiba ang bahay. Ang sagot ng abogado: pwede.
“Well, you own the house. It is separate from the land. Pwede mong ipagiba ‘yung bahay and get the materials, ibenta mo if it helps but lugi ka doon,” wika ni Atty. Tungol kay Meiko.
Umiiyak na sabi ng content creator, “Para po ‘yun sa mga anak ko. Hindi ko po alam kung sino ang makikinabang nun someday.
“Kaya kung hindi po namin mapapakinabangan ng mga anak ko ‘yun, which is the sole purpose why I built the house, wala na lang makikinabang,” wika ni Meiko.
0 Comments