Kinumpirma ng kilalang social media personality na si Whamos Cruz na totoong na-confine siya kamakailan sa ospital upang sumailalim sa isang operasyon.
Sa pamamagitan ng isang video na ipinost niya sa kanyang opisyal na Facebook page, makikitang nasa loob siya ng silid-ospital habang ibinabahagi ang kanyang karanasan sa kanyang mga tagasubaybay.
Sa caption ng naturang video, diretsahan niyang isinulat: “Pinapaopera ko ang luslos ko.”
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang health website, ang luslos o hernia ay ang paglabas o pag-umbok ng bahagi ng isang organ kapag ito'y napupuwersa sa mahinang bahagi ng kalamnan o pader ng katawan—karaniwang sa may bandang singit.
Bukod pa rito, ang luslos ay maaari ring ilarawan bilang paglawlaw o pagbaba ng isang bahagi ng katawan kapag ang isang organ ay napupunta sa labas ng tamang posisyon o linya nito sa loob ng katawan.
Ayon kay Antonette Gail, partner ni Whamos Cruz, matagal nang tinitiis ni Whamos ang kanyang kondisyon simula pa raw noong siya'y bata pa.
Noong Hulyo 1, muling nagbahagi si Whamos ng update sa kanyang Facebook page hinggil sa kanyang kalagayang pangkalusugan. Ayon sa kanya, matagumpay na raw naisagawa ang kanyang operasyon at nalagpasan na niya ito.
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Whamos Cruz sa lahat ng doktor at nurse na nag-asikaso at nag-alaga sa kanya habang siya’y nasa ospital. Pinahalagahan din niya ang mga mensahe ng pag-aalala mula sa kanyang mga tagasuporta na nagtaka kung bakit siya na-confine.
Hindi rin nakaligtaang pasalamatan ni Whamos ang kanyang partner na si Antonette Gail, na buong pusong nagbantay at nag-alaga sa kanya sa kabuuan ng kanyang pananatili sa ospital.
Kasunod nito, nag-post muli si Whamos sa kanyang Facebook page upang ipaalam na siya'y kasalukuyang naka-bedrest habang unti-unting nagpapagaling mula sa operasyon.
Samantala, ikinagulat naman ng marami ang rebelasyon ni Whamos na umabot umano sa ₱409,000 ang kabuuang gastos sa kanyang operasyon para sa luslos. isang halagang hindi basta-basta para sa karaniwang Pilipino.
0 Comments