Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng internet personality at negosyanteng si Josh Mojica, 21-anyos, matapos masangkot sa isang paglabag sa batas trapiko.
Kinumpirma ng LTO sa kanilang opisyal na pahayag na kitang-kita sa video ang aktong pagmaneho ni Mojica habang kinukuhanan ang sarili gamit ang cellphone—isang malinaw na paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, hindi kailanman dahilan ang klase o halaga ng sasakyan upang balewalain ang batas.
Makikita sa video na mismong in-upload ni Mojica na siya ay nagmamaneho ng isang mamahaling sasakyan habang may hawak na cellphone.
Dahil dito, umani siya ng matinding batikos mula sa netizens, na tinawag ang kanyang kilos na iresponsable.
Marami ang nagsabi na bilang isang public figure, dapat ay nagsisilbi siyang mabuting halimbawa sa kanyang mga tagasubaybay.
Batay sa Show Cause Order (SCO) na inilabas ng LTO-Intelligence and Investigation Division sa pamumuno ni Chief Renante Melitante, nahaharap si Mojica sa mga sumusunod na kaso:
Reckless Driving
Paglabag sa Anti-Distracted Driving Act (Seksyon 4 ng R.A. No. 10913)
pagiging “Improper Person to Operate a Motor Vehicle” (Seksyon 27(a) ng R.A. No. 4136)
Ang huling kaso ay maaaring magresulta sa tuluyang pagkansela ng kanyang lisensya.
Bukod sa suspensyon, ipinag-utos din ng LTO kay Mojica na humarap sa kanilang tanggapan upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng karampatang administratibong parusa.
Samantala, isinama na rin ng LTO sa kanilang alarm list ang kanyang Porsche habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Si Mojica ay unang nakilala noong 2021 matapos mag-viral ang kanyang kwento kung paano siya kumita sa pagbebenta ng homemade kangkong chips.
Mula noon, sumikat siya bilang isang batang negosyante at influencer.
Iginiit din ng LTO na ang kasikatan at yaman ay hindi sapat na dahilan upang isantabi ang kaligtasan sa lansangan.
0 Comments